Wednesday, May 1, 2013

LANGIT, LUPA, IMPYERNO

real state loan


Antagal mo itong inipon.
Nagkanda-kuba ka na sa trabaho. Tumulay sa bubog at kumain ng apoy, lahat ng uri ng raket, tinira mo na.
Tiniiis mo ang malayo sa pamilya at kaibigan para lang mabuo ang paunang bayad. At ilang taon ka pang magdidildil ng asin para sa buwanang amortization.
Ngunit papano kung matapos ang lahat ay hindi mo pa rin makuha ang titulo ng bahay at lupa?
Mas masama kung hindi matapos-tapos ang konstruksyon sa subdivisionat ang nag-gagandahang pictures sa brochures at model scale na nakita mo sa mall ay napakalayo sa totoong itsura?
Papano kaya kung malaman mo na nagrerenta ka lang pala sa akala mo ay nabili mo nang bahay at lupa?
Bago mo tagain ang broker na nagbenta sayo, balik tayo sa simula ng proseso at alamin ang dapat mong ginawa bago isinubo ang sarili sa malaking responsibilidad.
BAGO BUMILI NG BAHAY AT LUPA SA ISANG DEVELOPER
Huwag papadala sa mga mabulaklak na salita ng mga salesrepresentative, agent or broker.
Lahat ipapangako niyan, sasabihin niya ang lahat ng gusto mong marinig para lang makabenta. Mas interesado siya sa kanyang commission at wala siyang pakialam kung magkaproblema ka kinalaunan.
Kaya bago magpakawala ng malaking pera, hindi naman siguro masama na mag-research muna sa mga bagay na ito:
1) Pumunta sa House and Land Use Regulatory Board o HLURB at alamin kung may Certificate of Registration (CR) at License to Sell (LS) ang developer ng lupa.
Para sa mga taga Metro Manila pumunta sa tapat ng Quezon City Hall sa may Kalayaan Avenue o sa mga Regional Offices kung ang project ay nasa sa labas ng Metro Manila.
Pwede mo rin hanapin dito.

Demand full refund
Kung sa kasamaang palad ay nadiskubre mo na walang CR at LS angdeveloper ng lupa, ay karapatan mong humingi ng full refund kung nakabayad ka na para maiwasan ang problema kinalaunan.

No Pre-Selling
Bawal magbenta ang sino man na walang kaukulang CR or LS at labag ito sa Presidential Decree 957. Valid pa rin ang contract to sell pero tulad ng nabanggit, pwede mag demand ng full refund ang nakabili.
2) Kung may CR at LS ang developer, tignan naman kung:
a) Kailan ang “date of completion” ng proyekto na nakasulat sa LS.
b) Kung ang lupa ay nakasanla dapat ay meron din silang Clearance to Mortgage sa HLURB.
c) Tignan kung ang mga facilities sa subdivision na nakasulat sabrochures o pinangako ng broker ay nakatala sa aprubadong subdivision plan na nasinumite nila sa HLURB.
Tignan rin kung ano ang mga materyales na gagamitin sa bahay na nakatala sa subdivision plan. Baka kasi yari lang sa styro ang bahay mo.
3) Importante rin malaman kung rehistrato ang broker sa HLURB na nagbebenta at nangungulit sa inyo. Punta ka dito kung gusto malaman.
Rehistrado nga at may LS ang developer, ngunit peke naman pala angbroker na inabutan mo ng pera, naku po, kabit ka.
4) Tignan din ang titulo sa Register of Deeds kung ang lupang binebenta sa’yo ay binenta na rin sa iba. Nakalagay yan sa likod ng titulo ng lupa.
5) Alamin din kung ang developer ang magbabayad sa water or electricmeters, sa bakuran o perimeter fence at iba pang mga maliliit na bagay. Tignan din kung sino ang mag-operate ng subdivision water system.
May bahay ka nga, wala ka naman panligo.
BAGO PUMIRMA NG CONTRACT TO SELL
Kung lehitimo naman ang developer mo, gawin ang mga sumusunod bago pumirma ng kontrata.
1) Huwag pipirma ng blangkong kontrata.
Gamitin ang natutunan sa elementarya at basahin ang kontrata!
Ilang minuto lang yan, kumpara sa taong bubunuin mo at perwisyong idudulot sa’yo kinalaunan.
2)Kumuha ng kopya ng kontrata at ibang dokumentong pinirmahan, kahitphotocopy lang muna.
3) Siguraduhing inirehistro ng developer sa Register of Deeds ang kontrata para malaman ng lahat ng tao na nabili o binibili mo iyon at hindi na maibenta sa ibang tao.
4) Magbayad lamang sa mismong developer or authorized agent at siyempre, humingi ng resibo.
5) Ilagay sa isang folder o envelope ang lahat ng dokumento at huwag ikalat-kalat kung saan-saan baka kasi gawing pamunas sa banyo.

RIGHTS OF THE BUYER
Hindi biro ang perang pakakawalan ng mga simpleng taong naghangad bumili ng sariling bahay at lupa. Kaya alamin ang iyong mga karapatan:

Right to a clean title
Karapatan ng bumili na ibigay sa kanya ang isang malinis na titulo matapos bayaran ang bahay at lupa.
Malinis, ibig sabihin walang nakalagay o naka-“annotate” sa likod ng titulo. Inilalagay kasi sa likod ng titulo kung may utang o sabit pa ang lupa.
Ayon sa PD 957 Sec. 25: Ang registration fee ng deed of sale sa Registerof Deeds lang ang dapat singilin ng developer sa buyer at wala nang kung anu-anong pinapatong nila. Huwag pauto.
Huwag din magbayad ng amilyar o Real Estate Tax kung hindi pa ikaw ang may hawak ng lupa.

Non-forfeiture of payments
Ano pala ang gagawin mo kung napako ang pangako ng developer at hindi nagawa ang mga improvements na nakasaad sa kontrata ayon sa takdang panahon?
Maari ka bang huminto sa pagbabayad?
Isang malaking OO.
Nakalagay sa PD 957 Sec. 23 na hindi dapat i-forfeit ng developer ang mga binayad mo kung huminto ka sa paghulog dahil hindi nagawa ang napagkasunduang development sa subdivision sa tinakdang panahon.
Karapatan mo rin humingi ng full refund na may kasamang interes (12% p.a.) kung nagsawa ka na sa kanilang mga napakong pangako.
Pero bago magrebelde, dapat ay padalhan mo muna sila ng sulat upang ipaalam na hinihinto mo ang pagbabayad hanggang hindi natatapos ang mga development na pinaganko nila.
Nakasaad naman sa RA 6552 o Maceda Law ang mga karapatan ngbuyer na hindi nakatapos sa pagbabayad. Basahin dito.
HOMEOWNERS ASSOCIATION (HOA)
Nakalagay sa PD 957 na ang developer ang mag sisimulang mag organisa ng homeowners association sa subdivision para sa mga residente at nakabili ng unit. Ang HOA ay para inorganisa para sa ikakabuti ng komunidad.
Pero ang HOA ay dapat nakarehistro rin sa HLURB.
Hindi pwedeng mangolekta ang developer ng subdivision para kuno samaintenance at security kung hindi pa ito rehistrado sa HLURB at walangconsent o pag-ayon ng majority lot o unit buyers na nakatira sasubdivision project.

PAGLABAG SA PD 957
Lahat ng paglabag ng mga developer sa PD 957 ay maaring ireklamo sa HLURB. Maaring silang parusahan ng fine at maari rin silang sampahan ng kasong kriminal na may parusang hindi lalampas ng sampung (10) taon.
Condominium Projects
Lahat pala ng isinaad ko dito ay applicable din condominium projects.
Kung may problema kayo sa inyong mga subdivision o condominium developer maari ay isangguni lang sa http://panyero/forum.
Alamin ang karapatan.

credit:

No comments:

Post a Comment