Mag-eeleksiyon na naman at kaliwa’t-kanan ang checkpoint na ginagawa ng PNP at AFP. Upang maiwasang ma-rub-out tulad ng nangyari sa Laguna, nagpalabas ng Resolution No. 9588 ang COMELEC bilang guidelines tuwing checkpoint.
- Eto ang dapat gawin/sundin ng mga pulis o militar tuwing checkpoint:
- Dapat may ilaw sa checkpoint at may karatula na may sukat na 3×4feet at nakalagay:
“STOP
COMELEC CHECKPOINT
Please bear with us.
Thank you for your cooperation
___________________
Name & Address of Election Officer
_______________________________
Name of Commanding Officer/Team Leader”
- Ang AFP o PNP na nagsasagawa ng checkpoint dapat nakauniporme, may name tag at pinangungunahan ng opisyal na may ranggong Lieutenant (AFP)/Insepector(PNP). Hindi yung mga sarhento, PO, o SPO lamang. Hindi rin dapat nakainom o naka drugs (kailangan pa talagang ilagay ito, really?)
- Visual search lang dapat. Hindi maaring pabaain sa sasakyan o halughugin ang compartment, (sa mall lang ginagawa yan), except:a. Kitang-kita sa labas ng sasakyan ang kontrabando o ilegal na gawain. Tawag diyan in “plain view.”b. Kung ang mga taong nasa sasakyan “appear to be nervous or suspicious or exhibit unnatural reaction”, in short, praning. Kaya iwasang mag-kape tuwing checkpoint.c. “If the officer conducting the search has reasonable or probable cause to believe that either the occupant/s is law offender or that the instrumentality or evidence pertaining to the commission of a crime can be found in the vehicle to be searched.” Dito papasok ang sixth sense ng mga pulis. Kunyare nakakita sila ng dugo sa upuan ng sasakyan, pwede silang mag-imbestiga, (tapos malalaman nilang tagos ng regla lang pala).d. Based on prior confidential information which are reasonably corroborated by other attendant matters. Kunyare may impormasyon na may parating na “gun for hire” at si Col. Marantan ang leader ngcheckpoint, yari ka, magtago ka na.
- Karapatan ng taong nahuli sa checkpoint:
- Right to remain silent. Basic yan, wag magsalita hintayin ang abugado.
- Karapatang kumausap ang magkaroon ng abugado o bigyan ng abugado kung walang pera, libre! Dito handy ang panyero.net shirt. Tumalikod lang at ipabasa ang mga karapatan!
- Karapatang palayain kung walang asunto (charges) na sinampa sa loob ng labin-walong (18) oras (kaya i-set ang alarm clock), unless charged under PD 1866 o Illegal Possession of Firearms.Hindi ko alam bakit PD 1866 lang ang exempt sa 18 hours. Ayon kasi sa Article 125 ng Revised Penal Code, dapat sampahan ng kaso ang isang tao sa loob ng 12 oras for crimes punishable by light penalties; 18 oras if punishable by correctional penalties; at 36 if punishable by afflictive or capital penalities. Dapat sinunod na lang ito.
- Dapat may proper turn-over ng custody ng naaresto sa pinakamalapit na station, kasama ang mga nahuling baril, kontabando, extrang panti o brip, etc.
Yan, alam mo na. Iwas muna sa kape pre.
No comments:
Post a Comment